M. U.

Galing akong probinsya. Napadpad sa Maynila upang maghanap ng mas magandang bukas at para din makalimutan ang dating bigong pag ibig na mahigit isang taon ko ding iniyakan. Nang matanto ko nang, "tama nang maging tanga" ay napagpasyahan kong magpakalayo-layo at tanggapin ang job offer ng isang BPO company sa Makati. Hindi ko alam kung ano ang buhay na mararanasan sa bagong lugar na aking magiging pansamantalang tirahan ngunit excited akong maranasan ang mabuhay na mag-isa. Ako ay nag-iisang ampon ng aking ama't ina. Oo, ampon ako. Hindi ko iyon ikinakahiya. Dahil sa tingin ko, mas maswerte pa ako sa mga tunay na anak ng kanilang mga magulang. Maraming biological children ang hindi nagawang igapang ng kanilang mga magulang. Pero ako, hirap man sila ay nagsumikap silang maitaguyod ang aking pag-aaral.

Maibalik ko lang, hindi ko inaasahan ang magiging kahihinatnan ng pakikipagsapalaran kong iyon. Ang sinabi ko kina nanay at tatay na gusto kong maranasan ang mamuhay na mag-isa. Pero ang totoo, nais ko lang din na makalimutan ang ikalawang lalaking labis kong minahal. Sa aking pag-alis, pinalangin ko sa Diyos na sana'y patnubayan nya ako sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon upang mailayo nya ako sa tiyak na kapahamakan. At sana'y makatagpo ako ng taong maghihilom ng sugat na naidulot ng nakaraan.

Labis akong nasiyahan sa aking pagdating. Ako kasi ang taong mahilig sa adventure kaya't naenjoy ko ang adventure ng paglalakbay mag-isa sa isang lugar na hindi ko pa napuntahan, walang kakilala, gabing-gabi at ang tanging baon ay kaunting pera at lakas ng loob. Sa Centennial Terminal, nakasunod lang ako sa mga taong papalabas na ng airport dahil hindi ko naman kasi alam kung saan palabas. Sa isip ko, kung susundan ko ang mga tao sa kanilang paroroonan ay siguradong makakarating ako sa hintayan ng taxi. Sa kasamaang palad ay may sundo pala ang aking sinusundan. Nang dahil doon ay mas lalo pa akong naligaw. Pero hindi ako natinag. Sa loob loob ko ay kasama ko ang Diyos at alam kong hindi nya ako pababayaan. Naglakas loob akong magtanong sa isang mabuting ale na sa tingin ko'y nagtatrabaho sa paliparan. "Ale, san po dito ang taxi?", tanong ko. "Hay naku, nene. Nasa departure. Hindi ka dapat dito nag aabang ng taxi. Eh, kung maholdap ka? Halika't sumunod ka dito". Agad-agad, ako'y sumunod sa ale. Nagkakwentuhan kami sa maikling panahong sinamahan nya ako. Pagkatapos kong magpasalamat at ako'y matagumpay na nakasakay na ng taxi, panibagong adventure na naman ang aking naranasan.

"Kuya, sa Sta. Cruz Church po". Bagaman hindi ko talaga alam kung saan ako patungo, tumango ako sa tinanong ng driver, "doon ba sa may Rotonda?". Tinext ko ang aking kamag-anak na dating nakatira sa Maynila. Tinawagan nya ako at hiniling nyang sya ang kumausap sa driver. At doon ay naihatid naman ako ng maayos ng mamang taxi driver. Ang saya nya na binigyan ko sya ng Php450 habang ang metro ko lang ay nasa Php280. Dumating na ang isa naming malayong kamag-anak upang ihatid ako sa aking magiging pansamantalang tirahan habang wala pa akong matutuluyan. Paano kasi ay pabigla-bigla na lang akong nagdedecide. Biglaan lamang nilang nalaman na ako'y pupuntang Maynila at hindi ko alam kung saan talaga ako tutungo.

Kinabukasan. Ang dami ko pang requirements na dapat i-comply. Kelangan ko pa ng 2x2 picture with white background. Dahil hindi ko naman alam kung saan ako pupunta, tinanong ko ang aming landlady. "Saan po ako pwedeng magpakuha ng litrato dito? Kulang pa po kasi ang requirements ko." Binigay sa akin ng landlady ang direksyon. Kaya lamang ay hindi ko na mahanap ang kantong sinasabi nya. Ang sabi nya kasi, "baybayin ko itong Soler street. Dire-diretso ka lang at mahahanap mo ang National Bookstore. Sa tapat noon, may photo studio". Hindi ko na mahanap ang National Bookstore. Dire-diretso ko namang binaybay ang Soler Street. Nakita ko ang isang kalesa. Sa isip-isip ko ay sasakay na lang ako sa kalesa. Malamang ay magkasing mahal lang sila ng jeep. Hindi naman kasi ito gumagamit ng gasolina. Walang anu-ano't sumakay nga ako ng kalesa. Sabi ng isip ko, "ang sarap pala ng pakiramdam ng sumakay sa kalesa. Para akong prinsesa." Ang saya ng pakiramdam kong iyon. Hindi ko mawari kung bakit nilibot pa namin ang CM Recto. Sa naaalala ko kasi, sabi ng aming landlady, malapit na malapit lang iyon. Sa wakas ay narating namin National Bookstore. Naiabot ko na ang Php8 kong bayad sa kutsero sabay sabing, "maraming salamat po". Nakangiti pa ako ng sinabi ko iyon dahil sa sobrang galak ng pagsakay ko sa kanyang kalesa. Gentleman naman ang mamang kutsero at ako'y tinulungang makababa ng kanyang kalesa.

Pagkatapos kong kunin ang aking litrato ay dali-dali na akong umuwi sa aking tinutuluyang bahay. Oh, kamusta? Nakapag pakuha ka ba ng litrato?" pambungad na tanong ng aking landlady. Naikwento ko sa kanya ang aking pagbaybay sa Soler street hanggang sa pagsakay ko ng kalesa. "Ano? Sumakay ka ng kalesa? Eh, isang kanto na lang ang babaybayin mo't andun kana. Magkano naman ang ibinayad mo sa mamang kutsero?" tanong nya. Hindi magkamayaw sa katatawa ang aming landlady nang sinabi kong " eight pesos po". Hindi ko naintindiha kung ano o sino ang kanyang pinagtatawanan. "Buti naman at hindi nagalit yung kutsero." Mas lalo pa akong nagtaka at tinanong ko kung bakit. "Dahil ang minimum fare ng kalesa ay Php65. Mas mura pa nga ang taxi kesa doon,eh". 

Comments

Popular posts from this blog

Call Center

Love of my Life

Lovers in Paradise